Pahid Politika
Friday, April 5, 2013
Laguna: Ang Pagbisita (Commentary on Spaces)
Sino nga ba sa ating bansa ang hindi makakaalam sa probinsya ng Laguna?
Tahanan ng Laguna de Bay
Tahanan ng Pagsanjan Falls
Tahanan ng Bundok Makiling
Tahanan ni Jose Rizal
Sabi nga ni Gov. ER Ejercito, una sa lahat ang Laguna
Buti nalang, nabigyan ako ng pagkakataon na mapadpad sa sinasabing "una sa lahat"
Napuno ng tuwa, pananabik, paninibago, katatakutan, at pagkain sa tiyan ang aming pagdalaw sa Laguna. Isang karanasan na talagang mahirap kalimutan.
______________________________________________________
Ang Paseo de Santa Rosa
Kung may High Street na pinupuntahan ang mga sosyal sa Maynila, mayroon namang Paseo de Santa Rosa ang mga taga Laguna. Ang pagpunta palang sa nasabing lugar ay pahirapan na kung wala kang sariling sasakyan na dala. Ang kapaligiran ay nagpapahiwatig na piling tao lamang mula sa itaas ng strata ang maaring pumunta dito dahil sa kadahilanang karamihan sa mga outlet stores na matatagpuan dito ay ang mga mahahalin pang tipo. Ang mga kainan ay tulad The Old Spaghetti House at isang Japanese Restaurant na halos nasakop ang buong ikalawang palapag. Nasaan ang Jollibee, Chowking, McDonalds? andun pa ka kabilang dako. kailangan pang tumawid sa foodstrip para lang mapadpad doon. May karanasan nga akong gusto ko nalang tawanan. Napansin ko habang iniikot naming magkakagrupo ang ikalawang palapag, kung saan puro Japanse cuisine ang hinahanda at binebenta, ay hindi kami pinapansin ng mga empleyado doon. Ngunit kapag may darating na mga hapon ay bigla silang sisigla at magsasabi ng linyang hapon na sa isip ko ay hindi din nila maintindihan! Nakakalungkot, pati sarili nila ay niloloko nila. Gusto ko nga sabihin sa kanila "hoy! hindi kayo mga Hapon!".
SM CITY CALAMBA
Tulad ng ibang SM malls na matatagpuan dito sa Maynila at sa iba pang dako ng bansa, mapapansin na ang ambience na dala ng nasabing lugar ay mas pang-masa. Dito, walang pakialamanan kung naka T-shirt at shorts ka lang. Sa loob nito, pare-pareho ang lahat. Minsan nga ay tinatawag ko nang "melting pot" ang lugar na ito sapangkat dito ko nakikita na nasa iisang lugar ang mga tao na galing sa iba't ibang class. Mag-Ingles ka, matagalog, o manalita sa dialekto mo ay walang pipigil o titingin ng masama sa'yo.
UP LOS BANOS: CEC
Ang unang pumasok sa isip ko pagdating namin sa UPLB: nakakatakot!
Ang dilim. Malawak. Sabi ko sa sarili ko: wow, walang nasabi ang DLSU sa laking nasasakop ng UPLB.
Pero ang talagang takot na naramdaman ko na hindi ko na napigilang alisin ay ang pagtaas ng balahibo sa aking leeg ng makita ko ang aming tutlugan. Pakiramdam ko, hindi kami welcome sa building na tinuluyan namin. Ganunpaman, masaya pa rin ako at naranasan ko kung ano man ang pinaranas ng mga elemento at pawis naming pinatulo ng init sa UPLB-CEC. Hindi ko pinagsisisihan na pinanindigan namin ang pananatili dun matapos ng aming karanasan sa unang gabi.
AEROBICS: ng SM CALAMBA at UPLB
Sa dalawang Aerobics na napanood ko (ang isa ay sa SM Calamba at ang isa ay sa UPLB), nakakita ako ng ilang kaibahan. Ukol doon sa Aerobics na naganap sa SM Calamba, ang mga participants ay may edad ng mula 39-57 (ayon sa aking nakausap na si nanay Delia, 46 years old). Ang mga kanta na ginamit ay modern english songs tulad ng Super Bass, On the Floor. Ang mga galaw na ginamit na halos pang modern hiphop dancing na. Sa aking isipan, kaya siguro iyon ang piniling pamamaraan ay dahil para ma-enganyo ang mga tao sa loob ng mall upang manood at sumali sa aerobics ng mall (na maaring samahan kapag nakabili ka ng ilang items na worth ay, sa pagkakaalala ko, P300.oo).
Ang aerobics sa UPLB ay dinadaluhan ng hindi ko matukoy na edad. May mga estudyante, faculty, at ilang pamilya akong nakitang nakiparticipate doon. Ngunit ganunpaman, ang mga musikang ginamit ay mas makaluma kumpara sa ginamit sa SM. Hindi lang iisa ang instructor. May kanya-kanyang estilo ang mga instructor. May gumamit ng instrumental, disco songs, kung fu style moves, at tribal style. Para sa akin bilang isang participant observer, ang pinakagusto ko at nagkaroon ng sync movements talaga ay ang nagawa ni Dr. Contreras, pangalawa ang gumamit ng Kung Fu style moves.
Sa pagcocompara ko sa dalawa, ang aerobics sa SM ay pinanigan ang estilong Western, habang sa UPLB ay mas na-highlight at napromote ang paggamit ang ethnic movements sa aerobics.
LUNCH SAGOT NI GOV
Nagpapasalamat kami sa ginawang pagtanngap sa amin ni Gov. Ejercito sa kanilang provincial palace. Matapos kumain sa conference room, mula 11:30-1:15 ay nandoon kami sa kanyang opisina. Pinanood sa'min ang promotional videos ng Laguna, trailer at music video ng kanyang mga pelikula, at binigyan din kami ng kaalaman tungkol sa nagawa ng kanyang pamilya upang paunlarin ang kanilang probinsya, Laguna. Upang maalala namin ang kanyang mga naibahagi samin sa saglit na oras na iyon, pinauwian niya kami ng mga memorabilia.
LILIW
At napadpad nga kami sa sinasabing tsinelas kapital ng Laguna. Sa paglilibot ko sa lugar na iyon, madami akong nakitang mga tsinelas. Oo nga naman, tsinelas capital nga diba? Pero hindi ko ma-ialis ang kagustuhan kong tanungin kung sila ba ang gumagawa ng mga tsinelas. Napag-alaman ko sa akin pagtatanong na hindi nga sila ang gumagawa, kinukuha nila ito sa ibang bayan. Sa isa pa ngang napagtanungan ko, sa Marikina pa pala nila ito kinukuha. Hindi naman purong import ang mayroon dun. May mga ilang establisementong gumagawa ng sarili nilang tsinelas, ngunit binebenta nila ito sa mas mahal na halaga. Ganun pa man, natuwa ako sa mga taong nakasalamuha ko doon sapagkat hindi tulad sa ibang mataong lugaw, parang kalmado ang mga nagtitinda doon at tila natutuwa pa kahit bisitahin lang ang kanilang tinadahan at walang bilihin.
UPLB: Nightlife?
Siguro ay masyadong mataas ang naging espektasyon ko sa nightlife na dapat daw naming obserbahan sa labas ng UPLB dahil sa nightlife na nararanasan ko dito sa Taft at iba pang bahagi ng Maynila. Doon, tahimik at tila walang nagaganap. Ang mga inuman? Sarado. Ang kalye? halos walang tao. Ang mga bilihan? halos pasara na. Sino ang gising? si manong nagtitinda ng balot. Siguro naman, nagkataon lang kasi na Sabado ang gabing paglibot namin doon kaya hindi namin nakita ang dapat sana naming masaksihan sapagkat nagsiuwian sa kani-kanilang probinsya ang mga costumer ng district na iyon.
posted by Unknown at 8:38 AM
0 Comments:
Post a Comment
<< Home